Namatay ang isang 11-buwang sanggol gabi noong nakaraang Lunes sa Pagadian City, makaraang hindi payagang ilagay sa ICU dahil kulang ang pangbayad ng pamilya nito sa deposito na hiningi ng pamunuan ng ospital.

Sinabi sa ulat ni Marisol Abdurahman sa "Unang Balita" nitong Huwebes na nakahandang magsampa ng reklamo ang ina ng bata laban sa pamunuan ng Pagadian City Mendero Hospital.

Ayon kay kay Rebecca Iyas, ina ng bata, nais niyang mabigyan ng hustisya ang sinapit ng anak.

"Nais kong mabigyan ng hustisya ang anak ko. Ipa-blotter, makasuhan [sila]," aniya.

Itinakbo umano niya ang sanggol sa Mendero Hospital tanghali noong Lunes dahil sa mataas na lagnat. 

Pinayuhan siya ng attending physician ng pediatric ward na ilipat na lamang ang bata sa intensive care unit (ICU) upang ma-monitor nang maigi ang sanggol.

Ayon umano sa pamunuan ng ospital, dapat munang mag-down ang pamilya ng P10,000. Nang makakalap ng P10,000 ang ina, hindi pa rin daw maaaring madala ang bata sa ICU dahil kailangan pa raw ng karagdagang P10,000  para sa mga aparato na gagamitin, katulad ng oxygen tank at iba pang mga gamit. 

Ngunit, namatay na ang sanggol kinagabihan noong Lunes, kung kailan nakalikom na ang pamilya ng karagdagang P10,000.

Pero hindi pa rin nagtapos sa pagkamatay ng baby ang pasakit ng pamilya Iyas. Ayaw umanong payagan ng ospital na ilabas ang mga labi ng sanggol hangga't hindi nababayaran nang buo ang mahigit P10,000 na hospital bills.

Kalauna'y nabayaran din ang bills gamit ang perang nalikom na pampuno sana sa deposit sa ICU.

"Hindi kami palalabasin, sir, kapag hindi kami makapagbayad ng bill. Temporary nga lang. Philhealth man yung bata. Dapat daw i-full namin yung bayad na mahigit P10k para makauwi kami sa gabing iyon. Ang bitbit kong P10k para sa ICU, ibinayad ko nalang," pahayag ni Adelaida Iyas, lola ng bata.

Depensa naman ni Doctor Jaime Navaro, direktor ng ospital,  wala sa patakaran ng kanilang pagamutan ang manghingi ng down payment sa mga pasyente, maliban na lamang kung ilalagay ang maysakit sa ICU.

"Pero pwede naman itong daanin sa pakiusapan," dagdag ni Navaro. 

Samantala, sinabi ni Doctor Helen Mano,  ang attending physician ng bata, inerekomenda niyang i-admit sa ICU ang sanggol para matutukan ito.

"Mas magada kung ilagay siya sa ICU para matutukan. Although at that time, sabi ko sa kanila na kahit ilagay man natin sa ICU, hindi 100 percent na ma-save natin ang bata, but at least, the chance na maka-survive siya kung ma-monitor ng husto, medyo tataas," pahayag ni Dr. Mano. 

Nangako naman ang pamunuan ng ospital na paimbestigahan ang nangyari kung may pananagutan ba ang ospital. Handa rin umano silang harapin ang anumang reklamo na maaaring isampa ng pamilya Iyas. —LBG, GMA News