Inaresto ang isang kasambahay sa Cubao, Quezon City, matapos umano niyang magpakalat sa internet ng mga dinuktor na hubad na larawan ng dati niyang amo. Ang biktima, pinagnakawan at pinagbantaan din daw niya.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "Balitanghali" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Rowena Palisoc, na inaresto ng NBI Anti-Organized and Transnational Crime Division sa isang fastfood chain.

Sumama siya sa mga awtoridad matapos ipakita ang arrest warrant ng Rizal RTC na in-issue sa kanya.

Ayon sa ulat, inilagay daw ni Palisoc ang mukha ng dati niyang amo sa nakaswimsuit na katawan ng ibang tao saka niya in-upload.

"Hindi mababayaran yung ginawa po niya sa amin... ako'y awang-awa dun sa pamangkin ko, hindi naman po iyon gumagawa ng ganun," ayon kay Adelaida De Lemos, tiyahin ng biktima.

Ngunit iginiit ng suspek na-hack daw ang kanyang Facebook account at hindi siya ang nag-upload ng mga litrato kundi ibang tao.

"Bakit ako nag-post ng ganung picture? Hindi ko alam yun kasi nananahimik ako, pinaalis nila ako dun sa kanila eh," sinabi ni Palisoc.

Sagot naman ni De Lemos, "Magaling po iyang mag-upload. Nasasa kanya po ang pangalan eh. Lahat ng pag-uupload, may ebisensya po."

Nakuha rin ng NBI ang ilang FB posts at messages ng pagbabanta ni Palisoc.

Nahaharap ang kasambahay sa kasong paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act.

Payo ng mga awtoridad, magsagawa ang mga may-ari ng background check ng kanilang mga kasambahay para hindi mabiktima. —Jamil Santos/JST, GMA News