Pinatutsadahan ng abogado ni Davao City Vice Mayor Paolo Duterte si Senador Antonio Trillanes IV dahil sa pagpilit ng huli na makita ang likod ng kaniyang kliyente para malaman ang umano'y tattoo na magpapatunay na miyembro daw ng drug triad ang lokal na opisyal.

Sa panayam ng mga mamamahayag pagkatapos ng pagdinig ng Senate blue ribbon committee nitong Huwebes tungkol sa P6.4-bilyong shabu shipment,  sinabi ni Atty. Rainier Madrid, na bigo si Trillanes na magpakita ng mga ebidensiya na mag-uugnay sa kaniyang kliyente sa umano'y smuggling activities at at illegal drugs.

“I thought it will be explosive? Where are they?...You only presented the body. The body of ano — is he gay? If he’s gay, probably, if he said that to me, ‘I want to see yours,’ then I would have probably showed it myself,” ayon kay Madrid.

Nang tanungin ng media kung nakita niya ang umano'y tattoo na sinasabi ni Trillanes, tugon ng abogado;  “I have not seen it because I’m not gay.”

“If I am, I would have insisted, I’m sorry...If Senator Trillanes said na may pagka-gay siya siguro, I would have changed my mind,” dagdag niya.

Ayon kay Madrid, pinayuhan niya si Duterte na huwag pagbigyan ang "laro" ni Trillanes na tinawag niyang “propaganda” game.

“Gusto mo sabihin uto-uto kami? I will never play his game. His game is propaganda,”  giit niya.

Sa naturang pagdinig, inakusahan ni Trillanes na miyembro ng triad si Duterte batay umano sa natanggap niyang impormasyon mula sa ibang bansa.

Ang triad ay nag-o-operate umano sa mga lugar gaya ng China, Hong Kong, at Macau, at sangkot sa iba't ibang iligal na gawain tulang ng pag-import ng droga.

Ayon pa kay Trillanes, makikita umano ang pagiging miyembro ni Duterte ng triad sa pamamagitan ng tatto sa likod nito.

Bagaman inamin ni Duterte na mayroon siyang tattoo sa likod, hindi niya ito ipinakita at iginiit ang kaniyang "right to privacy."—  FRJ, GMA News