Hinihinala ng forensic expert ng Public Attorney's Office na tinadtad ng saksak ang 14-anyos na si Reynaldo De Guzman, alyas "Kulot," kahit namatay na sa unang tatlong unday pa lang saksak sa dibdib.

Ang pahayag ay ginawa nitong Huwebes ni Dr. Erwin Erfe, director ng forensic laboratory ng PAO, batay sa isinagawa nilang pagsusuri sa bangkay ng binatilyo na huling kasama ng 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz, na napatay ng mga pulis sa Caloocan City dahil nanlaban umano matapos mangholdap.

Nakita ang bangkay ni de Guzman na nakalutang sa sapa sa Gapan, Nueva Ecija na nakabalot ng packaging tape ang buong mukha at may mga saksak sa katawan.

"Yung mga stab wounds po niya ay makikita sa dibdib at sa kaliwang bahagi ng kanyang katawan," ayon kay Erfe tungkol sa mahigit 20 saksak ng binatilyo.

"Dalawa o tatlo po dito ay tingin namin ay na-sustain niya habang buhay pa siya at yuong ibang stab wounds ay wala na pong buhay noong sinaksak si Kulot," patuloy niya.

Hinala ni Erfe, namatay si De Guzman sa dalawa hanggang tatlong unang saksak, at ang ibang sugat ay tinamo niya kahit patay na ang biktima.

May mga palatandaan din umano na pinahirapan ang biktima.

"Nakakita rin po kami ng senyales na binugbog si Kulot. Maga po ang kanyang dalawang mata, ang kanyang ilong, at ang kanyang bibig," patuloy ni Erfe.

Ginawa ang pag-awtopsiya sa bangkay ng biktima dahil na rin sa kahilingan ng pamilya nito.

Pinaniniwalaan na isang tao lang ang sumaksak kay De Guzman.

"Sa unang tingin po namin ay mukhang iisa lang po ang gumawa at isang direksyon lang po yuong pagsaksak. Mukhang kanan po ang ginamit sa pagsaksak at karamihan po ng mga saksak sa kanya ay nandito sa kaliwang bahagi ng kanyang katawan," paliwanag ni Erfe.

Huling nakitang magkasama sina De Guzman at Arnaiz sa Cainta noong Agosto  18.
Nailibing na si Arnaiz habang naiuwi na sa Cainta ang bangkay ni De Guzman para paglamayan. — FRJ, GMA News