Isang 14-anyos na babae sa Biñan, Laguna ang nilasing umano at saka dinala sa sementeryo ng walong lalaki para halayin. Ang biktima, nakita pa umano na may kumukuha ng video habang ginagawan siya ng kahalayan.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng ina ng biktima na nakilala ng kaniyang anak ang mga suspek sa birthday party ng isang Mark Anthony Capina noong Agosto 30.

Pinainom umano ng alak ang kaniyang anak hanggang sa mahilo at halos mawalan ng malay.

Batay umano sa nakausap nilang saksi, pinagplanuhan ng mga salarin ang ginawa sa anak.

"Pinagpaplanuhan na po kung saan dadalhin yung anak ko. Nung gabi po sa location ng birthday, nagdala po ng marijuana si Macboy, tumira po ng marijuana yung mga suspek" ayon sa ginang.

Naalala raw ng dalagita na kasama sa mga lumapastangan sa kaniya ang nag-birthday na si Capina, at isang nagngangalang Benjie Cornejo.

Batay umano sa kuwento ng anak, sinabi ng ginang na nagmakaawa raw ang biktima na pauwiin na pero hindi raw pumayag ang mga suspek at iginiit na pagbigyan ang may birthday.

Ilang ulit pa raw nagising at nawalan ng malay ang dalagita  at sa isang pagkakataon, nakita raw nito na kinukunan siya ng video habang inaabuso.

Nagising umano ang biktima na katabi sa isang kubo ang isa pang suspek na nakilalang si Ronnie Laureola.

Nagkaroon umano pagkakataon ang biktima na makatakbo at makatakas kaya hindi na siya nadala sa iba pang suspek.

Wala naman daw nakitang pumasok noon sa sementeryo ang caretaker na si Fidel Villano dahil sarado ang gate ng libingan sa gabi.

Hinala niya, baka sa isang pader umakyat at pumasok ang mga suspek.

"Sinira nila yung matatalim eh, nakabaon sa ibabaw 'yan eh. Yung barb wire, meron din," ayon kay Villano.

Naaresto na sina Capina at Cornejo pero hindi nila inamin ang paratang laban sa kanila.

"Hindi ko po alam 'yon. Pinauwi na po ako ng tito ko," ayon kay Capina.

"Wala po ako sa pangyayari. Kasama ko yung kasama ng babae nung oras na 'yun," sabi naman ni Cornejo.

Pinaghahanap naman ng mga pulis ang iba pang mga suspek na sina Laureola, Victorino Hornilloa, Wilfredo Hicana, Lawrence Desa, Mcboy Cervantes at isang alias Paopao. -- Jamile Santos/FRJ, GMA News