Dahil sa hindi umanong tugmang DNA samples ng mga magulang at natagpuang bangkay na pinaniniwalaang si Reynaldo "Kulot" De Guzman, maging ang kapatid ng 14-anyos na biktima ay nagpahayag na may napansin din siya sa hitsura ng bangkay na natagpuang lumulutang sa sapa sa Gapan, Nueva Ecija.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Edgar Gabriel na malayo ang mukha ng bangkay sa kaniyang kapatid na si Kulot.

"Sa mukha pa lang, malayong malayo eh. Kasi ano lang 'yung kapatid ko eh, medyo mahaba ng kaunti 'yung mukha niya," ayon kay Edgar na kuya ni Kulot.

"Kung hindi nga siya 'yan, then sana may nag-claim na sa kaniya or pumunta na dito si Kulot upang ipakita...kung ganoon," saad naman ng isa pang kapatid na si Edmon.

Ayon sa pulisya, sadyang nagkakaroon ng ilang pagbabago sa kaanyuan ng biktima dahil na rin sa pagkakababad sa tubig kung saan ito natagpuan.

Sinabi ni Edgar na tinanggap na nilang si Kulot ang bangkay matapos na tukuyin ng kanilang amang si Eduardo na kapatid nila ang nakita sa Nueva Ecija.

"Tinanong ko rin 'yung tatay ko, talagang sabi (ko) kung siya ba talaga 'yan o, sabi niya, siya daw," ani Edgar.

Sa isang ulat ng DzBB radio, sinabi ni Eduardo na nais niyang magsagawa ng panibagong DNA test ang pulisya sa bangkay ni Kulot.

"Ibabalik ko po pero ang tanong kung sino talaga ang mga magulang niya. Kailangan mapatunayan sa akin harap-harapan na hindi ko anak itong [nakaburol] dito sa bahay ," anang ama.

"'Yung nakaburol ngayon ay dapat ho alamin kung sino. Kasi kung ano, e di sana kung buhay ang anak ko, inilabas nila kung nasaan. Kasi kung hindi ko anak 'yang nakaburol, e kaninong anak 'yan?" tanong niya. -- FRJ, GMA News