Inaresto ang isang lalaki sa loob mismo ng kanilang bahay matapos mahulihan ng pinaghihinalaang shabu sa lungsod ng Makati noong Martes ng gabi. Nangyari ito nang mapasugod ang mga pulis sa lugar dahil naman sa pamamaril ng ama ng suspek sa lalaking manliligaw umano sa kaniyang asawa.

Tinutugis na ng mga pulis-Makati ang ama at kapatid ng naarestong suspek na kasabwat din umano sa pamamaril, ayon sa mga pulis.

Kinilala sa ulat ni Vonne Aquino sa "Unang Balita" nitong Miyerkules ang suspect na si Ronald Bagion na taga Barangay Rizal ng Makati City.

Samantala, kinilala rin sa ulat ang biktima sa pamamaril na si Domingo Odoñes, na binaril ng ama ni Ronald na si Arnel Bagion, na tumakas kasama ang isa pang anak na lalaki nito na si Ronel, na kasabwat din umano sa pamamaril.

"Allegedly, ang nanay nila ay nililigawan ng victim kaya nagalit yung tatlo so binaril nila itong victim. Ang bumaril, yung tatay," ayon kay Chief Inspector Gideon Ines, Station Commander ng PCP 10.

Narekober sa bahay ng mga suspek ang isang improvised na baril, mga bala, sumpak, at isang ice pick.

Nakuha rin mula kay Ronald ang isang sachet ng pinaghihinalaang shabu.

"Hindi ko alam, wala akong binabaril," pahayag ni Ronald nang maaresto ng mga pulis.

Samantala, nagpapagaling sa ngayon sa ospital si Ordoñes.

Nahaharap si Ronald ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 dahil sa nakuhang shabu.

Kakasuhan din siya ng frustrated murder dahil umano sa pagkasangkot nito sa pamamaril, isa pang kaso ng illegal possession of bladed weapon, at isa pa dahil sa paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News