Nasa mahigit 200 Pinoy na naninirahan sa mga isla sa Caribbean na hinagupit kamakailan ng bagyong Irma ang iuuwi sa Pilipinas, ayon sa Department of Foreign Affairs.

"There are now as many as 236 of our kababayans from various parts of the Caribbean who have asked to be repatriated," saad sa pahayag ni DFA Secretary Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules.

"We assure them that we will bring all of them home," pagtiyak ng kalihim.

Nagpadala na rin umano ang DFA ng response teams sa British Virgin Islands at sa US Virgin Islands para tulungan ang mga nasalantang Pinoy.

Batay umano sa natanggap na impormasyon ni Cayetano sa embahada ng bansa sa US, nasa 160 hanggang 180 Filipino ang naghihintay na maiuwi sa bansa mula sa British Virgin Islands, 20 mula sa Anguilla, at 36 sa St. Martin.

Pinaplano umano ng embahada na kumuha ng eroplano na masasakyan ng mga Pinoy para maiuwi sila sa Pilipinas.

"We hope that all the logistical and administrative requirements would be arranged soon so we could start repatriating our kababayans by Monday," ayon kay Cayetano. -- FRJ/KVD, GMA News