Nagkaroon ng lamat sa kanang bahagi ng ulo at pamumuo ng dugo sa utak ang isang tatlong-taong-gulang na bata matapos siyang ihampas daw sa sahig ng sariling ama na nagdilim umano ang isip nang makasagutan ang asawa sa Vigan City.

Sa ulat ni Glam Calicdan-Dizon sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente noong Lunes ng gabi nang magtalo ang mag-asawang Gina at Jonathan Villanueva dahil umano sa selos.

Ayon kay Police Inspector Crystal Jane Vismanos, hepe ng Women and Children Protection Desk ng Vigan City Police, inaakusahan umano ni Jonathan na mayroon ibang lalaki ang misis.

Pero itinanggi ni Gina ang paratang ng mister, at sinabing lasing ang kaniyang asawa nang magtalo sila.

Ayon pa kay Gina, nananakit daw ang kaniyang asawa kapag nalalasing ito.

Sa gitna ng kanilang pag-aaway, bigla na lang daw hinampas ng kanyang mister sa sahig ang kanilang anak.

"Nagkwan yung isip ko na parang nagdilim. 'Di ko alam na karga ko (yung bata). 'Di ko alam kung gaano kataas. Nung nakita ko na yung pagkabagsak nung bata, natulala na lang ako," paliwanag ni Jonathan.

Ayon sa ulat, nagkaroon daw ng lamat ang kanang bahagi ng ulo ng bata sa lakas ng impact.

"Medyo delikado kasi may dugo daw po sa utak. Pero makukuha naman daw po sa gamot,"  naiiyak na sabi ng ina.

Naging kritikal ang kondisyon ng bata, ngunit naagapan agad at nailabas na sa intensive care unit nitong Martes ng gabi.

"Maging aral sa 'yo 'to. Kasi lahat ng paghihirap ko sa 'yo tinanggap ko. Napagtiisan ko pero ngayon yung anak mo 'di ka na naawa. Sobra ka. Yung anak mo ngayon, hirap na hirap na. Pasalamat ka na yung anak mo kahit papano mahal ka niya, ayaw ka niyang ipakulong," saad pa ni Gina.

Nakalaya rin ang mister matapos magdesisyon ang asawa na hindi na itutuloy ang kaso.

"Ako alam ko naman na di ako papatawarin ng misis ko. Mayakap ko lang anak ko ngayon, yun lang. Kahit anong gawin na nila sa akin dito," ayon sa ama. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News