Kulong ang inabot ng isang lalaki sa Marikina City matapos siyang ireklamo ng 17-anyos na stepdaughter ng pangmomolestiya. Ayon sa biktima, hindi lang daw ito ang unang beses na hinalay siya ng amain.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Jun Atutubo, na todo tanggi sa kanyang ginawa habang nasa himpilan ng pulisya.

Ayon sa dalagita, ginahasa raw siya ng suspek pasado alas dos ng madaling araw nitong Miyerkules.

Isinalaysay naman ng kapatid ng biktima na nasa katabing kwarto lang sila nang gahasain ni Atutubo ang anak-anakan.

Inutusan pa umano ng suspek ang dalagita na magpanggap na may kausap sa telepono, habang tinututukan siya nito ng kutsilyo sa leeg.

Lalong naiyak ang biktima at kanyang mga kapatid nang dumating ang kanilang tiyuhin na siyang nag-turnover sa pulisya ng kutsilyong ginamit daw ng suspek sa krimen.

"Sinabihan niya po yung kapatid ko na huwag daw siyang magsusumbong sa mga kapatid niya at sa nanay niya, papatayin daw po kami," ayon sa kapatid ng biktima.

Nagtatrabaho sa ibang bansa ang kanilang ina kaya naiwan sa pangangalaga ng suspek ang biktima, ayon sa ulat.

Sinabi ni Marcelino Tolentino, head tanod ng Barangay Nangka, Marikina City, na hindi ito ang unang beses na nagawa ng suspek ang krimen.

"Ilang beses na siyang nag-attempt tapos nung gabi, nangyari na naman. Nung August 31 may nangyari na rin. Hindi siya makapagsumbong kasi tinatakot sila ng stepfather nila," ayon kay Tolentino.

Nitong Miyerkules, nagsumbong sa barangay ang kapatid ng biktima kaya.

Naaresto si Atutubo sa mismong bahay nila dahil na rin sa sumbong ng kapatid ng biktima sa barangay.

"Hindi ko lang po gusto yung ginawa niya sa kapatid ko. Gusto ko lang pong makulong siya habambuhay, huwag po siyang palayain," ayon pa sa kapatid.

Dalawang counts ng rape ang haharapin ng suspek. —Jamil Santos/JST, GMA News