Inaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Quezon City ang tatlo sa apat na suspek na umano'y nanghalay ng isang dalagita na may special needs sa Tanay, Rizal matapos ang halos apat na taon nilang pagtatago.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "QRT" nitong Huwebes, sinabing natagpuan sila ng mga awtoridad matapos na may mag-tip sa kanilang kinaroroonan.

Ang dalawang menor de edad na suspek na nasa pangangalaga na ng DSWD, hindi raw nagsisisi dahil ginusto raw ng biktima ang nangyari. Sinisi pa nila si "Marga," 'di tunay na pangalan, na may special needs kaya hindi nakakapagdesisyon nang maayos.

"Tinawag po kami ng babae tapos wala pong pwersa na nangyari," ayon sa isang suspek.

Nasa himpilan ngayon ng Tanay Police Station ang isa pa sa mga akusado.

Ayon sa salaysay ng lola ng biktima, 2013 pa nang narinig daw niya na nagkukwento ang mga lalaki na may ginahasa silang dalagita sa kanilang lugar, ngunit hindi pa niya alam na apo pala niya ang pinag-uusapan.

"Sabi ko, salbahe naman yang mga taong iyan. Hindi ba nila naiisip na masama yung kanilang ginawa, na pwedeng ikamatay ng bata yung ginawa nila?"

Ngunit lalong nanggalaiti ang lola at kanyang pamilya nang madiskubre nilang ang 13-anyos na si "Marga" nga ang kanilang pinagsamantalahan sa isang liblib na lugar sa Tanay.

"Hindi ko pa po alam na yung apo ko ang kanilang pinag-uusapan."

Nag-iba raw ang kilos ng kaniyang apo, ayon na rin sa kanyang pansin.

"Bakit ka umiiyak?" tanong niya sa apo. "'Wala po,' sabi niyang ganyan."

"Para siyang nag-iisip na wala siyang imik. Hindi mo makausap. Hindi naman siya magsabi ng 'Mommy, sinalbahe nila ako.' Hindi siya magsabi kasi natatakot daw po siya sa kalagayan ko kasi nung panahong iyon, pabalik-balik ako sa ospital," dagdag pa ng lola.

Nang magreport ang maglola sa pulisya, isa lang sa apat na suspek ang naaresto.

"Yung suspek po na minor, after ng incident, nahuli po siya then na-turn over DSWD. May lumapit po sa atin na informant na sabi niya, alam niya kung saan nagtago yung mga kasamahan," ayon kay Police Senior Inspector Paolo Benito, Deputy Chief ng CIDG, QC.

Ang ina ni Marga na isang OFW, napauwi dahil sa development sa kaso, at nagdesisyong itutuloy ang counseling sa anak.

"Nakikita ko po kasi talaga sa kanya na hindi po siya yung dating anak ko. Yung attitude niya noon na batang malambing. Ngayon po, hindi po, madali po siyang magalit," aniya. —Jamil Santos/JST, GMA News