Pumalpak ang tila modus ng isang lalaki sa Muntinlupa City na kunwaring mabubundol ng sasakyan. Bukod kasi sa hindi convincing ang kaniyang acting, may "dashcam" ang napili niyang "biktimahin." Panoorin.

Sa ipinadalang video ni YouScooper Melwin Enriquez, sinabing nangyari ang insidente noong Miyerkules, Sept. 13, sa Alabang Viaduct sa Muntinlupa City.

Sa video, makikita na biglang "itinapon" ng lalaki ang sarili sa gitna ng kalye habang paparating ang sasakyan.

Pero dahil may kalayuan pa ang sasakyan nang umakting ang lalaki, kaagad na nakapagpreno ang motorista at nakatigil sa harapan ng manloloko.

Maya-maya pa, tumayo ang lalaki na hinahawakan ang kaniyang hita na kunwaring nasaktan habang itinuturo ang driver.

Pero may traffic enforcer sa kabilang parte ng kalsada na lumapit sa sasakyan at tinanong kung ano ang ginawa ng lalaki.

Wala nang nagawa ang lalaki kung hindi humingi ng paumanhin umano sa motorista sa kaniyang ginawa.

Sa mga ganitong sitwasyon, sinabi ni Enriquez ang kahalagahan ng pagkakaroon ng dashcam. -- FRJ, GMA News