Isang freshman law student ng University of Santo Tomas ang nasawi matapos umanong isailalim sa hazing. Ang biktima, nakita raw ilang residente sa bangketa sa Balut, Tondo sa Maynila nitong Linggo ng umaga.

Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Horacio Tomas Castillo III, 22-anyos.

Una raw nakita ng mga residente ang katawan ni Castillo sa bangketa sa panulukan ng H. Lopez Boulevard at Infanta Street sa Balut dakong 8 a.m. nitong Linggo.

Dinala si Castillo sa Chinese General Hospital kung saan idineklara siyang dead on arrival.

Madaling araw na nitong Lunes nang malaman ng pamilya ni Castillo ang nangyari sa kanilang mahal sa buhay matapos na magpadala sa kanila ng text message ang ospital.

Nagtamo umano ng bugbog ang katawan ni Castillo, sunog mula sa paso ng sigarilyo at mga patak ng kandila.

Paniwala ng tiyuhin ng biktima na isang duktor, namatay ang kaniyang pamangkin dahil sa hazing rites ng Aegis Juris Fraternity, na nakabase sa UST.

Pumayag umano ang mga magulang ng biktima na sumali sa fraternity ang anak dahil sinabihan sila na walang hazing rites.

Umalis umano ang biktima sa kanilang bahay noong Sabado para dumalo sa welcome ceremony para sa mga bagong miyembro ng fraternity.

"What he told me is his fraternity doesn't do hazing. So sabi niya, they have initiation wherein you do things but not hazing," sabi ng isang kaanak ni Castillo.

Napag-alaman ng pamilya na isang Axel Hipe ang huling numero na nakarehistro sa telepono na tumawag sa biktima.

Ayon sa pamilya ng biktima, miyembro ng fraternity si Hipe.

Iniimbestigahan na raw ng UST ang insidente at pagkatapos nito ay maglalabas ng pahayag.

Sinusubukan naman ng GMA News na makakuha ng pahayag sa Aegis Juris Fraternity.

HEART ATTACK

Batay sa isinagawang pagsusuri ng Manila Police District medico-legal doctor, namatay dahil sa massive heart attack si Castillo matapos sumailalim sa hazing, ayon sa hiwalay na ulat ni Mark Salazar sa "News To Go."

Dumating ang medico-legal team ng MPD sa morgue kung saan nakalagak ang mga labi ng biktima para isailalim sa awtopsiya.

Nanawagan ng hustisya ang ama ng biktima na si Castillo Jr., para sa sinapit ng kaniyang anak. —FRJ/KVD, GMA News