Nasawi ang isang 16 taong gulang na binatilyo matapos siyang makaladkad ng tren malapit sa España Station ng Philippine National Railways (PNR) nitong Miyerkules ng umaga.

Sa ulat ni Carlo Mateo sa dzBB, kinilala ang biktima na si John Genesis Monsayap ng Sampaloc, Maynila, na papasok sana sa eskwela at tumatawid sa Antipolo Street na ilang metro ang layo sa istasyon, nang mangyari ang insidente pasado 7a.m.

 

 

Ayon sa paunang impormasyon ng PNR security personel, sinabing naka-headset ang biktima habang tumatawid, dahilan para hindi nito marinig ang paparating na tren.

Nakaladkad pa ang biktima ng may layong 150 metro, dahilan para maputol ang isa sa kanyang mga binti.

Kinilala naman siya ng kapatid niyang si Christian Jerome Monsayap, na nagsabing papasok sana ang kanyang kapatid at patungo sa PNR station para maagang makarating sa TESDA sa Pritil, Tondo, Maynila.

Nagbigay naman ng babala ang PNR sa publiko na iwasan ang paggamit ng headset at iba pang mga gadget habang tumatawid sa mga riles ng tren para maiwasan ang aksidente.

Sinabi rin ng pamunuan ng PNR na ugaliin ng mga tao ang pagiging alerto.

Patuloy ang operasyon ng PNR sa kabila ng aksidente. —Jamil Santos/KG, GMA News