Labing-apat katao na nagpapanggap na babae at gumagawa ng pekeng social media accounts para makapambiktima sa kanilang modus umano na online kalaswaan ang naaresto sa Quezon City.

Sa ulat ng GMA News "Balitanghali" nitong Martes, sinabing kumukuha ang mga suspek ng mga larawan ng mga babae sa internet na ginagamit nila sa kanilang pekeng social media account upang makaengganyo ng kanilang mabibiktima.

Papangakuan umano ng mga suspek ang makikilala sa social media na makikipagkita pero at hihikayating na mag-sign up sa isang dating site.

Dito na umano kukunin ng grupo ang mga detalye ng credit card ng biktima.

Nakarehistro sa barangay ang negosyo bilang isang online marketing business pero ginagamit sa modus gamit ang social media.

Nakuha sa lugar ang dalawang computer, router, mga monitor, projector at labintatlong cellphone.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012. -- Jamil Santos/FRJ/KVD, GMA News