Hindi napigilan ng common-law wife ni President Rodrigo Duterte na si Cielito "Honeylet" Avanceña na maiyak sa pagtatanggol sa punong ehekutibo laban sa mga kritiko. May patama rin siya sa pangunahing kritiko ng kaniyang asawa na si Senador Antonio Trillanes.

Sa talumpati ni Avanceña bilang guest of honor sa paglulunsad nitong Lunes ng "Life After TokHang" program ng Philippine National Police (PNP) para sa mga sumukong sangkot sa droga, iginiit niya na hindi nag-uutos si Duterte na pumatay.

"He (Duterte) will never instruct PNP to kill people. It's not his style, it's not his cup of tea," saad niya sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News TV "State of the Nation."

Iginiit ni Avanceña na makikita kay Duterte ang mabuti nitong puso.

Pasaring naman niya sa senador na kritiko ng kaniyang asawa; "Trillanes has been hitting us since a week before election. Eh bakit buhay pa siya? 'Di ba? Wala naman nangyayari eh."

Sa mga twitter post naman ni dzBB reporter Glen Juego sa bahagi rin ng talumpati ni Avanceña, inihayag nito ang kagustuhan ni Duterte na tugunan ang mga problema ng bansa.

"Pwede nang pabayaan na lang ng Pangulo ang mga problema tulad ng iba, tutal nanalo na siya pero hindi siya ganon," ayon kay Avanceña bilang tugon pa rin sa mga kritiko ng administrasyon.

"Nakakalungkot lang na parang hindi Pilipino ang iba sa atin, puro na lang batikos," dagdag niya.

Nabanggit din niya sa talumpati ang tungkol sa pagpunta niya kamakailan sa New York matapos imbitahan ni US First Lady Melania Trump. -- FRJ, GMA News