Hindi raw alam ng suspek kung bakit niya nagawang paslangin ang kaniyang siyam na taong gulang na pamangkin na nakita ang bangkay sa isang bakuran at hinihinalang ginahasa sa Dinalupihan, Bataan nitong Martes.

Matapos madiskubre ang bangkay ng biktimang Danica Santos na nakasubsob at nakalilis ang kasuotan sa isang bakuran na malapit sa kanilang bahay, inaresto ang tiyuhin ng bata na si Leonardo Aquino.

Linggo nang huling nakitang buhay si Santos matapos na utusan umano ni Aquino na bumili sa tindahan pero hindi na nakabalik. 

Sa awtopsiya sa bangkay ng biktima, sinabi ng pulisya na kumpirmadong inabuso ang biktima at pinatay sa sakal.

Sa ibang lugar din umano pinatay ang biktima at itinapon lang sa bakuran.

Batay sa ilang saksi, si Aquino raw ang nakitang huling kasama ng biktima.

Bagaman itinanggi ni Aquino sa simula ang paratang laban sa kaniya, kinalaunan ay inamin nito ang krimen, ayon sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho."

Dati na umanong nakulong si Aquino sa kasong two counts of rape at homicide pero napawang-sala nang umapela sa Korte Suprema.

Dahil nakonsensiya umano, inamin si Aquino sa loob ng kulungan na sinakal niya ang bata at itinapon.

"Humihingi ako ng kapatawaran sa kasalanan ko...kundi man wala akong magagawa," anang suspek tungkol sa pagpatay niya sa pamangkin. -- FRJ, GMA News