Maaaring hindi ituloy ng Senado ang impeachment trial kay Comelec Chairman Andres Bautista, kung magbitiw siya sa kanyang tungkulin.

Ipinahayag ni Senate President Aquilino "Koko" Pimentel III sa panayam sa dzBB nitong Huwebes na wala nang kabuluhan ang impeachment trial kung nagbitiw na rin lang si Bautista.

"Kung meron talagang resignation letter and deemed separated from government service na siya, eh wala na; dapat i-stop na 'yung impeachment trial," pahayag ni Pimentel.

Pero, aniya, hindi pa natanggap ng Senado ang certified true copy ng resignation letter ni Bautista. Kaya we could not "assume anything" yet.

Dagdag niya, maaari namang agad na ihinto ang impeachment trial sa oras na malaman na nag-"take effect" na ang kanyang resignation.

"Kung umalis na siya sa posisyon, wala na pong point, wala nang dahilan na magtuloy-tuloy pa."

Nauna na ring sinabi ni Senator Francis "Kiko" Pangilinan na "impeachment trial against the Comelec chief is a waste of time" dahil sa intensyon ni Bautista na magbitiw sa puwesto sa katapusan nitong taon.

Inanunsyo ni Bautista noong Miyerkules ang kanyang balak na magbitiw sa December 31, 2017, upang bigyan umano ng sapat na panahon ang pangulo na makahanap ng kanyang kapalit.

Ito'y matapos ianunsyo ng House committee on justice ibinasura nito ang impeachment complaint laban kay Bautista.

Ngunit, ilang oras lamang ang nakalipas sa araw ding iyon, binaliktad ng plenaryo, sa boto na 137, ang pasya ng komite.—LBG, GMA News