Nahuli-cam ang pagtatangka ng isa umanong tulak ng droga na tumakas nang malaman niya na mga awtoridad pala ang katransaksyon niya sa iligal na droga sa Sta. Rosa, Laguna.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, makikita sa surveillance video nang biglang tumakbo si Rizalito Topangco, 38-anyos, matapos na magkaroon ng abutan sa ikinasang operasyon laban sa kaniya.

Pero kaagad din siyang nahuli at pinosasan matapos na banggitin ng mga pulis ang kaniyang mga karapatan.

Bukod kay Rizalito, dinakip din ang kaniyang kapatid na si Reyjion Topangco.

Nakumpiska mula kay Rizalito ang ilang sachet ng hinihinalang shabu at ang drug money.

Pero paliwanag niya, matagal na siyang tumigil sa pagbebenta at gumagamit na lang ng umano ng shabu.

Ayon kay Police Superintendent Harold Depositar, hepe ng Sta. Rosa-PNP, nakatatanggap sila ng mga impormasyon tungkol sa mga tulak sa pamamagitan ng text. Kasunod nito, nagsasagawa sila ng test-buy para makumpirma ang impormasyon upang madakip ang mga sangkot sa droga.

Bukod sa paghuli sa mga nasa likod ng pagbebenta ng droga, pinupuntirya rin ng Sta.Rosa-PNP ang mga fruit game at video karera dahil nagagamit umano ito para makahanap ang mga pusher ng mga batang nahuhumaling sa paglalaro na gagawin nilang runner sa pagtutulak ng shabu.

Nasa 41 fruit game at video karera ang winasak ng Sta Rosa Police. -- FRJ, GMA News