Dahil sa pagtatago at dinala pa ang naagaw na baril sa salarin, itinuturing ng pulisya na "person of interest" ang executive officer ng isang barangay sa Tondo, Maynila kaugnay sa nangyaring pagbaril at pagpatay sa kanilang punong-barangay nitong Miyerkules ng gabi.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Police Superintendent  Erwin Margarejo, tagapagsalita ng Manila Police District, na "person of interest" na sa pagkamatay ni chairman Arnel Parse ang barangay officer na si Ams Camin.

Si Camin ang nakita sa CCTV camera na kumuha sa hawak na baril ng kainuman ni Parse na si alyas Pipe, na nakipagbuo sa gunman matapos na barilin ang punong barangay na nagkakasiyahan sa tabi ng daan sa Tondo, Manila.

Nakatakas ang salarin pero naagaw ni alyas Pipe ang baril nito. Nagtamo rin siya ng dalawang tama ng bala sa likod na malapit sa balikat pero ligtas na.

Ayon kay Margarejo, mahalaga sa imbestigasyon ng pulisya ang naagaw na baril na dinala ni Camin para sa paglutas ng krimen.

Nalulungkot naman ang asawa ni Camin na napagbibitangan ang kaniyang mister na kasama sa pagpatay sa kanilang punong barangay.

"Kailangan lang daw niyang magpalamig kasi yung pumatay daw kay chairman nakita daw siya alam din daw po niya na babalikan siya," anang misis ni Camin.

Kinunan ng impormasyon ng pulisya si alyas Pipe na nagpasyang lumabas na ng ospital dahil na rin umano sa pangamba sa kaniyang buhay.

Nanawagan naman ng hustisya ang pamilya ni Parse, na ayon sa anak ay ilang beses nang pinagbantaan ang buhay.

Sinabi ng kapatid ng punong barangay na marami ang nagagalit sa biktima dahil sa marami itong napapahuli na sangkot sa droga. -- FRJ, GMA News