Isang 17-anyos na football player mula sa Senegal sa Africa ang kinukupkop ngayon sa Ninoy Aquino International Airport matapos siyang makita na ilang araw nang nagpapalaboy-laboy sa arrival area. Ang dayuhan, nabiktima pala ng panloloko.

Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing anim na araw nang palaboy-laboy sa arrival area ng NAIA-Terminal 1 ang dayuhang binatilyo, nang walang sumundo sa kaniya pagdating sa bansa.

Nagpunta raw sa bansa ang binatilyo dahil sa imbitasyon na maging trainer sa football clinic sa Rizal Memorial Stadium sa Maynila at sa Mckinley Hill sa Taguig City.

Ayon kay Jaime Estrella, airport police, sinabi sa kanila ng biktima na P150,000 ang kaniyang ibinayad sa kausap para sa football clinic na gagawin sa Pilipinas.

Kasama raw sa kasunduan ang plane ticket at hotel na kaniyang tutuluyan.

Bagaman mayroon siyang plane ticket, lumitaw naman na peke ang ipinadala sa kaniyang form sa tutuluyan sana niyang hotel.

Sinabi pa umano ng binatilyo na nagbenta ng alaga nilang mga hayop ang kaniyang pamilya para makarating siya sa Pilipinas.

Sa isang ulat naman ng GMA News "QRT," tinanong ang Philippine Azkals, na ka-partner umano sa football clinic kung lehitimo ang imbitasyon sa binatilyo pero duda rito ang manager ng koponan.

"Nagdududa nga po ako dahil minor ito. Under the rules ng FIFA, they are so strict in recruiting minors for clubs...hindi po nagre-recruit ang Azkals ng hindi Pilipino so isang red flag,' paliwanag ni Dan Palami sa panayam sa telepono.

Pansamantalang kinukupkop ng airport police ang binatilyo at sa Nobyembre 10 pa ang balik niya sa kaniyang bansa batay sa hawak niyang plane ticket. -- FRJ, GMA News