Mula sa Kalinga, nasa Maynila ngayon ang kinikilalang "Huling Mambabatok" na si Apo Whang-Od Oggay para ipamalas ang kaniyang talento sa tradisyunal na pagta-tattoo at maging panauhing pandangal sa isang exhibit na tampok ang mga de-kalidad na produktong Pinoy.

Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing ito ang kauna-unahang pagbisita ni Apo Whang-Od sa Maynila para suportahan ang Manila Fame exhibit sa World Trade Center sa Pasay City.

Sa naturang exhibit, ipinamamalas ang sining at malikhaing talento ng mga Pinoy, kasama na ang tradisyunal na pagta-tattoo ni Whang-Od na gamit ang tinik ng halaman na hinahangaan at dinadayo ng mga dayuhan.

Nang tanungin si Whang-Od kung hindi ba siya nalulungkot na malayo siya sa kaniyang bayan, masaya niyang tugon, "Paano ako malulungkot, maraming tumatangkilik sa akin. Mag-tattoo na tayo."

Kasama ni Whong-Od na dumating sa Maynila ang mga katribo niya mula sa Buscalan, Kalinga na hinatid ng Philippine Air Force gamit ang helicopter.

Ayon naman kay Clayton Tugonon, organizer ng Manila Fame, patunay lamang si Apo Whang-Od nang pagiging pagkamalikhain ng mga Pinoy.

"It's about Filipino creativity and we have to capitalize that because in it, talent ng mga Pilipino iyon," aniya.

Makikita sa naturang exhibit ang mga produktong gawa sa pandan, tinalak, palma, abaka at rattan na pawang mga tatak Pinoy, at mga de-kalidad na pang-export.

"Yung mga 4P's, naangat yung kanilang kabuhayan, hindi na sila masyadong dependent sa kanilang asawa, nakakabili na sila ng kanilang mga kagamitan," sabi ni Gina Bagasbas, bag designer.

Bukas sa publiko ang exhibit hanggang sa Linggo, Oktubre 22. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News