Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang lalaki sa Lanao del Norte matapos mabagsakan ng nabuwal na puno dahil sa sama ng panahon.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "Balitanghali" nitong Sabado, kinilala ang biktima na si Robinson Barega, na naglalako noon ng kanyang tindang tinapay nang siya'y mabagsakan ng puno sa bayan ng Kapatagan.

Ayon sa ulat, padaan noon ang biktima nang tiyempong nabuwal ang puno sa tindi ng lakas ng hangin.

Sinabing nagkaputol-putol pa ang katawan ng biktima sa lakas ng pagkakabagsak ng malaking puno.

Halos dalawang oras bago tuluyang naialis ang kanyang bangkay mula sa puno.

Pagnanakaw

Samantala, natangay ang 15 tablet na nagkakahalagang mahigit P75,000 matapos looban ng apat na kabataan ang isang paaralan sa Baybay City, Leyte.

Nahuli ang pagnanakaw ng mga suspek sa isa sa mga classroom ng paaralan, kung saan natukoy ang pagkakakilanlan ng lookout ng grupo.

Pinaghahanap na ngayon ang tatlo pa niyang kasamahan.

Overloading

Nahulicam naman ang pag-angkas ng tatlong estudyanteng babae sa isang umaandar na tricycle sa Iriga City, Camarines Sur, habang bumubuhos ang malakas na ulan.

Dalawa pa sa mga babae ang nakatuntong sa ibabaw ng takip ng side wheel ng tricycle.

Napilitan daw ang mga estudyante na sumabit dahil wala nang bakante sa loob ng sasakyan, ayon sa may-ari ng video.

Bawal sa batas ang ginawang pag-angkas ng mga estudyante, pati na rin ang overloading sa mga tricycle. —LBG, GMA News