Isang Colombian national ang nasakote sa Ninoy Aquino International Airport matapos na tangkaing magpuslit ng halos P9 milyong halaga ng cocaine. Kinailangan din siyang purgahin para mailabas ang nilunok na droga na nakalagay sa 79 pirasong goma na kasukat ng maliit na longganisa.

Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing magdamag na nanatili sa ospital ang dayuhang drug mule na si Alberto Pedraza Quijano upang mapurga at mailabas sa kaniyang katawan ang 79 pirasong elongated rubber pellet na pinaglagyan ng pinaghihinalaang cocaine.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency, nasa 1.185 kilograms ang dami ng hinihinalang cocaine na nagkakahalaga ng P8.89 milyon ang inilabas ni Quijano.

Sa pamamagitan ng intelligence report ng US Homeland Security Investigation, nahuli si Quijano sa NAIA-Terminal 3 nitong Linggo, November 12, mula sa kaniyang flight sa Dubai.

"Frequent traveller siya from one country to another to other country.  Kaya na profile siya," ayon kay Ismael Fajardo, Director III, PDEA.

Hindi umano kaagad mapagkakamalang drug mule si Quijano dahil disente at kagalang-galang ang hitsura nito. May suot din siyang ID na nagsasabing miyembro siya ng isang foundation na tumutulong sa mga kapwa Columbian na nakakulong sa ibang bansa.

Batay sa imbestigasiyon, ito na ang pangatlong beses na pumasok sa bansa ang suspek. Hinihinalang nagawa niyang makapagpasok ng droga noong mga naunang pagbisita niya sa Pilipinas

Dahil sa dami ng nakuhang hinihinalang droga, posible umanong kasapi ang suspek sa isang international drug syndicate.

Aminado ang suspek sa kaniyang nagawang krimen at idinahilan ang kahirapan sa kanilang bansa kaya niya nagawang pagpasok ng droga.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung sino ang kausap ni Quijano sa Pilipinas, at isasailalim sa forensic examination ang kaniyang gamit na cellphone.-- FRJ, GMA News