Isang 24-anyos na pasaherong babae ang naputulan ng kanang kamay matapos mahulog sa pagitan umano ng dalawang bagon sa Ayala Station North bound ng MRT-3 nitong Martes ng hapon.

Sa panayam ng GMA News TV "Balita Pilipinas," sinabi ni Herbert Joson, corporate communication ng MRT, batay sa inisyal na impormasyon na kaniyang nakuha, nangyari ang insidente dakong 2:38 p.m.

Hindi pa umano niya batid ang buong istorya sa nangyaring insidente pero lumilitaw sa paunang impormasyon na nahilo umano ang babae kaya nalaglag sa riles at naipit.

Kaagad na dinala sa pagamutan ang biktima.

Ayon naman sa Super Radio dzBB,  naputulan ng kamay ang pasahero matapos malaglag sa MRT-Ayala Station (NB) habang may paparating na tren.

Nakuhanan umano ng CCTV ang pasahero na tila nahilo at nalaglag sa tapat ng coupler o pagitan ng dalawang bagon.

Sa panayam ng radio dzBB, sinabi ni Transportation Undersecretary Cesar Chavez, na naputol ang kamay ng biktima matapos maipit sa "coupler," o ang bakal na nagdudugtong sa mga bagon.

Papaalis na umano ang tren kung saan sakay ang biktima nang mawalan ito ng balanse at nahulog sa riles.

Sinabi ni Chavez, na kakaunti lang umano ang pasahero nang mangyari ang insidente.

Matapos maantala ang operasyon, sinabi ng opisyal na bumalik din ang serbisyo ng MRT at mayroong 10 tren na bumibiyahe dakong 4 p.m.

"Pinaiimbestigahan din natin bagamat kokonti lang ang pasahero, ano 'yung mga pagkukulang dito," ani Chavez.-- FRJ, GMA News