Ang isang biyuda sa Bacolod City ang nagtaka matapos na biglang maputol ang natatanggap niyang pensiyon sa Social Security System na mula sa pumanaw niyang mister. Ang sinasabing dahilan kaya inalisan siya ng pensiyon, nagkaroon daw niya ng bagong nobyo. Mayroon nga bang ganitong patakaran ang SSS? .

Sa ulat ng "Sumbungan ng Bayan" sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing 34-anyos noon si Teresita Cahulao nang pumanaw ang kaniyang mister na miyembro ng SSS nang dahil sa stroke noong 1990.

Tumagal ng 20 taon ang kanilang pagsasama at nabiyayaan sila ng pitong anak.

Malaking tulong daw sa gastusin ang natatanggap niyang benepisyo na mahigit P4,000 bawat buwan sa SSS mula noong 1992.

Pero ang naturang benepisyo, bigla na lang daw nahinto noong 2006.

"Sinabihan ako na sa September wala ka nang pension, cut-off na. Dahil nga raw may nobyo na ako," sabi ng ginang na noo'y higit 10 taon nang biyuda.

Patuloy niya, "Nagpaayos ako ng ID sa SSS noon tapos tinanong ako kung may nobyo ako. Siyempre, babae ka may nobyo ka. Tapos pinapirma ako sa blangkong papel. Bawal daw 'yun [magkaroon ng nobyo] pero hindi naman kami kasal."

Dahil dito, idinulog ng Sumbungan ng Bayan sa SSS sa Bacolod ang problema ng ginang at pati na ang paglilinaw kung mayroon talagang patakaran na bawal na makipagrelasyon ang benepisyado ng pumanaw na miyembro.

Inalam din kung mayroon talagang blangkong papel na ipinapipirma gaya ng sinabi ng ginang.

"Yung papirma ng blank form, I think it's an ACOP form. It's an annual confirmation of pensioners form wherein there is no blank there. Everything has a question wherein you write your answer," sabi ni Dra. Lilani Benedian, Division Head, SSS Visayas West 1 Division.

"Rest assured na we're not doing that. Who are we to do that to our members," pagtiyak niya.

Lumitaw din na mayroong Office Order ng SSS kaugnay ng benepisyo ng surviving spouse. Nakasaad  na sa sandali na ang dependent surviving spouse ay nag-asawa muli o pumasok sa live-in relationship o tinatawag nating common-law relationship,  hindi siya na maaaring tumanggap ng pensiyon na nagmula sa pagkamatay ng kaniyang unang asawa.

"Number one kasi ang reason, ang SSS po ay social insurance. Ang sinusuportahan namin, binibigyan ng tulong ay yung mga nakadepende doon sa miyembrong namatay, " ayon kay Fernando Nicolas, Department Manager III, SSS member Communications and Assistance Department

Ang pagputol sa pagbibigay ng pensiyon ay nangyayari kapag may nagbigay ng impormasyon sa ahensiya tungkol sa bagong relasyon ng benepisyado.

"It's not easy for us to automatically suspend, cancel. It has to be supported with investigation. The number one na magreklamo dito sa amin are those relatives, most especially the in-laws and the neighbors. Of course, once they have complaints in our office, we have to act on it," sabi ni Benedian.

At sa sandali raw na makansela ng SSS pension, hindi na ito puwedeng ibalik kahit nakipaghiwalay na ang benepisyado sa karelasyon nito.

"For example, nakipagsama kayo ng isang taon tapos humiwalay na kayo, and then after that you will inform SSS na, 'Uy separated na ko doon sa aking kinasama.' Ang policy po ng SSS lifetime na 'yun, indi na namin ibabalik yung pensiyon," ani Nicolas.

Dahil sa mga paliwanag ng SSS, naliwanagan din si Aling Teresita sa nangyari sa pagkakaputol ng kaniyang pensiyon.-- FRJ, GMA News