Sa kuha ng closed-circuit-television camera, nakita na tinangka ng isang guwardiya sa MRT-Ayala Station na iligtas ang 24-anyos na babaeng pasahero na nalaglag sa riles at naputulan ng kanang braso.

(Babala: Maselan ang video)

Sa ulat ni Tricia Zafra sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang CCTV footage sa Ayala Northbound station ng MRT, dakong 2:36 pm nang huminto ang isang tren para magbaba at magsakay ng mga pasahero.

Matapos makasakay ang halos lahat ng pasahero, may isang babae na bumaba ng tren ang makikitang naglalakad sa patform ang hinabol ng guwardiya at biglang nawala.

Nahulog pala ang pasahero sa riles na nakilalang si Angeline Fernando, sa espasyo sa pagitan ng dalawang bagon ng tren na papaalis na.

Sa kuha ng Youscooper, makikitang duguan ang pasahero na naputulan ng braso.

Nilalapatan siya ng paunang lunas bago dinala sa ospital.

Ayon sa pamunuan ng MRT, galing sa Taft ang pasahero at bumaba sa Ayala station nang biglang mahilo.

Nagtungo sa tanggapan ng MRT ang 61-anyos na ama ng pasahero na si Jose Fernando, para alamin ang nangyari.

Tumanggi siyang magpa-interview sa harap ng camera pero inihayag niya na nag-iisang anak nila si Angeline at breadwinner sa pamilya.

Suliranin daw nila ngayon kung saan kukuha ng pampagamot sa anak dahil sa nangyaring insidente. -- FRJ, GMA News