Matagumpay umanong naikabit ng mga doktor ang naputol na braso ng isang pasaherong babae na naaksidente sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) nitong Martes ng hapon.

"Angeline's arm is reconnected to her body. The bone, the nerve and vessels are reconnected. She is under observation at least until Friday (this week)," pahayag ni Transportation Undersecretary for Rails Cesar Chavez nitong Miyerkoles.

Naputol ang braso ni Angeline Fernando, 24, ng Pasay City, matapos siyang mahilo at mahulog sa riles ng MRT-3 Ayala station sa Makati City, at maipit sa tren.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang isang guwardiya na tinangkang habulin si Fernando pero nahulog na sa riles mula sa platform ng MRT. Nagkataon na paandar na ang tren nang mangyari ang sakuna.

Matapos siyang bigyan ng paunang lunas sa MRT, kaagad siyang dinala sa Makati Medical Center.

Sa isang ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Martes, inihayag ng 61-anyos na ama ng biktima na ang naturang anak ang naghahanap-buhay para sa kanila.

Sinabi naman ni Chavez na batay sa kuwento ng ina ni Angeline, madalas umanong nahihilo ang anak kapag maraming tao.

"Nahihilo si Angeline minsan 'pag maraming tao. Lumalabas siya sa simbahan 'pag nagsisimba kami kasi nahihirapan siya huminga 'pag maraming tao," saad ni Chavez batay sa impormasyon umano ng ina ni Angeline.

Ganito rin umano ang impormasyon na ibinigay kay Chavez ng isang kaibigan ni Angeline.

May insidente rin umano na dinala ng kaibigan si Angeline sa ospital dahil bigla na lang namutla at muntik mahimatay.

Nalaman umano sa ospital na low blood ang dalaga.

Tiniyak naman ni Chavez na hindi pababayaan si Angeline at tutulong ang gobyerno sa pangangailangan nito.

"Hindi ka namin pababayaan. Hindi ka namin iiwanan," anang opisyal.— FRJ, GMA News