Bukod sa suweldo, "satisfaction" at "fulfilment" ang ikinokonsidera ng maraming tao kung bakit sila nananatili sa kanilang trabaho. Pero dumadating din ang panahon na hindi na sila masaya sa kanilang ginagawa. Sapat na nga ba itong basehan para mag-resign na?

Sa isang episode ng programang "Mars," sinabi ni comedian Pepay na para sa kaniya, balanse lang dapat ang pagiging masaya at kagustuhang kumita ng pera sa anumang uri ng trabaho.

"Ako kasi parang hati eh, kasi kaya ka pumasok diyan just because gusto mong kumita. So siguro kailangan mong balansehin ang dalawa. Kailangan balanse siya kasi kung hindi ka masaya, aalis ka, hindi ka kikita. Pero kung gusto mong kumita, kahit ano 'yan, tiisin mo," sabi ng comedian.

Para naman kay Alyanna Asistio, dapat bukal sa puso ang pagtatrabaho.

"Ako kasi, gusto ko 'pag may trabaho ako or may ginagawa ako, gusto ko full-hearted 'yun tapos gusto ko okay lahat. So 'pag feeling ko hindi na buo 'yung loob ko, siguro mag-iisip na ako ng ibang trabaho at ano bang pwede kong gawin para mas maging inspired at mas magtuloy-tuloy 'yung trabaho. Kaysa naman hindi ako komportable, hindi na ako masaya," paliwanag ng young actress.

Inihayag naman ng motivational speaker na si Michael Angelo Lobrin ang sa tingin niyang ibig sabihin ng pagiging "masaya" sa trabaho.

"Ito, sa palagay ko, 'yung totoong definition ng kaligayahan. 'Masaya ako dahil gusto ko 'yung ginagawa ko,'" saad niya.

Upang maging masaya sa trabaho, kailangang malinaw sa isang tao ang kaniyang "divine calling" o "purpose" sa buhay, ayon kay Michael Angelo.

"Masaya lang akong ginagawa ko 'yun dahil malinaw sa akin that my divine calling, my purpose in life is to inspire people. Paano ko na-realize 'yon? Nakita ko naka-align 'yung talent ko na ako'y bungangang naging tao," pabiro niyang sabi.

"Naniniwala ako na ang depenisyon ng kaligayahan ay dapat kilala mo 'yung sarili mo. Pagka self-aware ka, alam mo 'yung divine purpose mo," dagdag niya.

"You don't quit because you are bitter, but you quit because you want to be better," sabi pa ni Michael, na hinango niya sa librong "Is It Time to Quit Your Job?" ni Sha Nacino.

Para kay Michael Angelo, kahit ayaw ng isang tao sa trabaho, kailangan niya pa rin daw na ayusin ang pagtatrabaho dahil tinutulungan nitong hasain ang kaniyang karakter.

"If you find your purpose, it will also give you checks and cash in the near future. If  you put value on what you do, later on people will put value on you," patuloy niya.

Hindi raw dapat nakasalalay lang sa trabaho ang perang kinikita para mapakain ang pamilya.

"Kailangan pagtrabahuhan mo talaga at hindi dapat na bigla ka na lang aalis, hindi naman dapat ganu'n. Dapat 'pag umalis ka sa trabaho, may trabahong nakahanda sa 'yo," payo naman ni Pepay.

Nagbabahagi raw si Alyanna ng mga blessing sa kaniyang pamilya.

"Hindi naman sa ako ang nag-provide pero I help them, nagsi-share din ako, 'yung mga blessing na dumadating sa akin, kahit paunti-unti," sabi ni Alyanna.

"Your compass must be love," payo ni Michael Angelo. "Your work must give you life.. I do believe that you need to find a work that is fun for you and sabi nga sa isang proverb, 'When you find a work that is fun, it's not working. You don't work at all'... Hanap 'buhay,' hindi hanap 'pera.'" -- Jamil Santos/FRJ, GMA News