Patay sa pamamaril ng riding in tandem sa Bulacan ang isang ama. Ang krimen, nasaksihan mismo ng 10-taong-gulang na anak ng biktima na nasugatan din matapos tamaan ng ligaw na bala.

Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing naglilinis ng kanal sa tapat ng kanilang bahay sa San Jose del Monte, Bulacan ang  biktima at kaniyang anak nitong Martes ng umaga nang dumating ang dalawang salarin na sakay ng isang motorsiklo.

Kaagad umanong naglabas ng baril ang angkas at pinaputukan ang biktima sa ulo at katawan. Tinamaan naman ng ligaw na bala sa lulod ang bata pero nakaligtas ito.

Ayon sa isang saksi, pinaputukan muli ng salarin ang nakatumba nang biktima bago tumakas.

Hindi pa malinaw sa pamilya ang motibo ng pamamaril pero maaring may kinalaman daw ang kinasangkutang gulo ng biktima kamakailan lang, Gayunman, hindi raw nila alam ang detalye ng naturang insidente.

Hindi nakilala ang mga suspek dahil nakasuot umano ng  helmet ang mga ito. For registration naman ang plaka na nakalagay sa motorsiklo na ginamit ng mga salarin na isang itim na Suzuki Mio.

Patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga pulis ang insidente.-- FRJ, GMA News