Nagsasagawa ngayon ng imbestigasyon ang Department of Health kaugnay sa pagkamatay ng dalawang sanggol sa Lapu-lapu City sa Cebu na parehong binakunahan umano sa isang health center sa kanilang barangay sa magkaparehong araw.

Sa ulat ni Chona Carreon sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabi ng 20-anyos na si Gian Millecent Limpangog, Nobyembre 8 nang dalhin niya sa health center ng Barangay Pajac sa nasabing lungsod ang pumanaw na tatlong-buwan-gulang na anak na si Ghirvaugh Mcreighn.

Ikalawang beses na umano ang naturang pagbakuna sa kaniyang anak ng Pentavalent vaccine na para sa Diphtheria, Pertussis, Tetanus, Hepatitis B at Haemophilus Influenzae Type B.

Pagkalipas umano ng ilang oras, nilagnat at nanginig ang sanggol kaya kaagad nilang dinala sa ospital.

Noong Nobyembre 11, inilipat nila ang bata sa Vicente Sotto Memorial Medical Center  at doon namatay.

"Parang na-stroke at tumulo ang kaniyang laway. Sobrang sakit," ayon kay Limpangog.

Halos ganito rin umano ang nangyari sa apat na buwang gulang na sanggol na si Ayesha Mae Suson, na anak ni Lenlen.

Kuwento ni Lenlen, pinabakunahan din niya ang anak sa health center sa Barangay Pajac sa Lapu-lapu city noong November 8 rin.

Pinuntahan ng GMA News ang health center pero wala roon ang midwife na nagbakuna sa mga bata. Pero pinakita ng nurse ang gamot na ibinakuna sa mga bata na hindi naman umano expired.

Sabi pa ng nurse, 96 na bata ang binakunahan noong November 8.

Sa death certificate ng mga bata, nakasaad na meningitis ang sanhi ng pagkamatay ni baby Limpangog , habang severe dehydration naman ang sanhi ng pagkamatay ni baby Suson.

Hinala ng City Health Office, baka dati nang may sakit ang mga biktima at hindi lang ipinaalam ng mga magulang na masama ang pakiramdam ng mga sanggol nang bakuhan ang mga ito.

"Maybe, baka hindi sinabi na masama na ang pakiramdam ng kanilang anak. Usually ang Pentavalent  it is cost 4,000 mahal ba 'yan? And then baka inisip nila na mauubusan ng vaccine, hindi sila mabakunahan," ayon kay Dr. Rodolfo Berame, City Health Officer, Lapu-lapu City.

Nagtungo naman sa DOH-Region 7 ang lolo ng isa sa mga bata dala ang sulat ng mga pamilya ng mga nasawing sanggol para hilingin na imbestigahan ang nangyari.

Sinabi naman ni Dr. Sophia Mancao, assistant Regional Director, DOH-7, na ipatatawag nila at tatanungin ang mga tauhan sa health center kaugnay sa naging proseso sa nangyaring pagbabakuna.

Bagaman mayroon umanong reaksyon ang katawan ng mga bata sa bakuna, hindi naman daw ito delikado katulad bahagyan lagnat o pamamaga sa bahagi ng braso na binakunahan.

Sinabi naman ni DOH Sec. Francisco Duque na hihintayin na muna nila na matapos ang imbestigasyon kaugnay sa nangyari sa mga bata. -- FRJ, GMA News