Naging madugo ang isang family reunion sa Cardona, Rizal nang manggulo at manaksak ang kanilang kapitbahay na 'di raw pinayagang makasali sa kanilang kasiyahan. Isa ang nasawi at tatlong iba pa ang nasugatan.

Sa ulat Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa cellphone video na kuha ng isang residente noong Nobyembre 12, ang isang lalaki na nakilalang si Randy Mongaya, na may hawak na patalim sa labas ng isang bahay.

Napaatras si Mongaya nang harangin naman siya ng isang lalaking may hawak na tubo.

Dito na tumulong ang kapatid ni Mongaya na si Marvin, at naagaw ang tubo ng nakaharang na lalaki, na nakilala namang si Reynaldo Loyola.

Muling sumugod si Randy at sinaksak si Reynaldo, na tumumba at binawian ng buhay.

Ayon sa misis ni Reynaldo na si Marivic, nag-iinuman noon ang kaniyang mister at kaniyang mga kapatid nang magpilit na makisali si Randy.

Nagtamo rin ng tama ng saksak sa tagiliran si Marivic.

Si Michael Magboo, na kainuman din ni Reynaldo, na nasaksak din matapos na pagpapaluin si Randy.

Kuwento naman ng isa pang nasaksak na si Frederick Magboo, maaga pa lang ay gusto na raw makikanta at makisali sa inuman ni Randy pero hindi napagbigyan dahil family reunion ang naturang kasiyahan.

Sa record ng barangay, lumalabas na may dati nang hidwaan ang isa sa mga biktima at ang suspek.

Sa gitna ng pagluluksa, nangangamba ang mga kaanak ng mga biktima na balikan sila ng mga suspek, na patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.

Nananatili naman sa ospital sina Frederick at Michael. -- FRJ, GMA News