Pinag-iingat ang mga delivery rider matapos mabisto ang bagong modus ng mga kawatan na tatawag para umorder kunwari ng produkto at saka aabangan para tangayin ang motorsiklo. Ang isang nabiktima, nag-deliver ng pagkain sa Quezon City.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ikinuwento ng biktimang itinago sa pangalang "Philip," isang nagpakilalang koronel ang tumawag sa pinapasukan niyang restaurant at nagpa-deliver ng pagkain dakong 11:30 a.m.

Personal na motorsiklo ang gamit ni Philip sa pagde-deliver para matustusan ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo.

Bukod sa ibinigay na area na pagdadalhan ng delivery, nagbilin pa umano ang suspek na magdala na siya ng panukli sa halagang P2,000.

Sinabi pa umano ng tumawag na suspek na dumaan siya sa kanto ng Monte de Piedad at E. Rodriguez Avenue dahil nandoon ang tao niya na magtuturo ng kaniyang eksaktong lugar.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang isang lalaking nakipagtagpo sa biktima at kaagad na pinahubad ang kaniyang sulot na "helmet" at pinausog sa upuan.

Sa pag-aakalang dadalhin siya sa bahay ng umorder ng pagkain, hinayaan ni Philip ang lalaki na isuot ang kaniyang helmet at ito na rin ang nagpatakbo ng motorsiklo habang angkas siya.

Pagsapit nila sa isang residential area na malapit sa kanto ng Betty Go Belmonte, pinababa ng suspek si Philip at may itinurong bahay na kakatukin niya.

Pero nang bumaba na ang biktima, bigla na umanong humarurot ang kawatan dala ang kaniyang motorsiklo, ang ide-deliver na pagkain at kaunti niyang pera.

Inireport na ni Philip sa pulisya ang nangyari para ialarma ang kaniyang motorsiklo.
Ayon sa mga awtoridad, ibang estilo ito ng mga kawatan sa pagtangay sa motorsiklo na dapat maipaalam sa publiko. -- FRJ, GMA News