Nahuli sa akto ng mga awtoridad ang isang mag-asawa habang abala sa kanilang cybersex operation sa Iligan City. Ang masaklap umano, mismong mga anak nila na edad apat, lima at pito ang kanilang ibinubugaw at minomolestiya para sa mga dayuhang kliyente.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing sinalakay ng mga operatiba ng Anti Human Trafficking Division ng National Bureau of Investigation sa Iligan, kasama ang Department of Social Welfare and Development ang lokasyon ng mag-asawa matapos madakip ang isang kliyente nila sa New Zealand.

Nang pasukin ang bahay ng mag-asawa, nahuli umano sa akto ang nanay habang abala sa cybersex operation gamit ang kaniyang cellphone.

Kaagad naman sinagip ng mga tauhan ng DSWD at International Justice Mission ang mga bata.

Ayon sa ulat, mismong mga magulang daw ang nagmomolestiya sa kanilang mga anak habang pinapanood ng mga dayuhang customer via live streaming.

"Hindi ko maunawaan kung bakit nagagawa ng magulang na abusuhin, ibenta ang sarili nilang anak," sabi ni Atty. Janet Francisco, hepe ng NBI-AHTRAD.

Napag-alaman din na buntis ang nanay na suspek at hinihinala na may kaugnayan naman sa mga kliyente na ang "fetish" o ang gustong mapanood sa kalaswaan ay buntis.

Ayon sa NBI, patuloy ang pagsubaybay nila sa mga cybersex operation sa bansa upang mapigil ang online sexual exploitation ng mga bata.

Kabilang umano sa mga masusing sinusubaybayan ng Iligan dahil kasama ito sa "hotspot" ng cybersex operation sa bansa. -- FRJ, GMA News