Iginiit ng Malacañang na walang dahilan para mag-panic tungkol sa anti-dengue vaccine na Dengvaxia sa kabila ng napaulat na mayroon itong masamang epekto sa mga nabakunahan na hindi pa nagkaka-dengue.

Sa pulong balitaan nitong Lunes, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na kung magkaroon ng dengue ang mga nabakunahan pagkaraan ng tatlong taon, hindi naman ito ang nakamamatay na uri ng dengue virus.

"The good news is people should not panic about the dengue vaccine. There is no danger with the dengue vaccine," anang opisyal.

Nitong Biyernes, inanunsyo ng Department of Health (DOH) na kinansela muna ang anti-dengue program ng pamahalaan na ginagamitan ng Dengvaxia matapos ipahayag ng French-based Sanofi Pasteur, na may masamang epekto ang gamot sa mga taong mababakunahan na hindi pa nagkaka-dengue.

"And the 'severe dengue' that is mentioned by Sanofi will involve symptoms that include two days of fever and hemophilia. ‘Yung pagmamarka ‘no sa skin. It is not the deadly type of dengue," sabi ni Roque.

"The sentiment that should be shared with the public is: We will tell you if there is a reason to be concerned. What we're telling you right now wala pong dahilan para maabala... Uulitin ko po, ang sinasabi nilang severe dengue, hindi po nakakamatay. Lagnat at pasa. Hindi naman po nakakamatay. So huwag po tayong mag-panic," dagdag niya.

Sinuportahan naman ni Health spokesperson Dr. Lyndon Lee Suy ang pahayag ni Roque, na nasa pulong balitaan din.

"The severe that was being identified by Sanofi is totally different with the severe… our severe clarification that is being used currently together with WHO [World Health Organization]," ayon kay Suy.

Sinabi rin ng opisyal na nasa 10 porsiyento ng 733,000 batang nabakuhan na posibleng magkaroon ng sinasabing masamang epekto pagkatapos ng may dalawa at kalahating taon mula sa pagkakabakuna ng Dengvaxia.

"Ngayon, doon sa 10 porysentong ‘yun na sabi nila at risk. We’re talking about at risk, meaning hindi naman automatic din na porke hindi nabakunahan at kasama ka doon sa isa sa 10 ‘yun, eh automatic na ‘pag nagka-dengue severe ka na," ani Suy.

"You may develop. You may be at risk. But not saying that those one out 10 would eventually develop severe dengue," dagdag niya.

Sa hiwalay na pulong balitaan na ginawa ng Sanofi nitong Lunes din, sinabi ni Dr. Joselito Sta. Ana, Regional Director ng Sanofi Pasteur, na ang malubhang epekto na kanilang unang binanggit ay ang posibilidad na pagbaba ng platelet count ng pasyente, pagdurugo ng ilong kapag nainitan at pagkakaroon ng pasa kapag nabangga.

"Yung gravity ng sinasabing severe dengue ay hindi mas malala doon sa mga seronegative kumpara doon sa mga seropositive, pareho-pareho sila," paliwanag niya.

Sinabi naman ni Suy na susubaybayan ng DOH ang mga kabataan na nabigyan ng Dengvaxia sa mga susunod na taon.— FRJ, GMA News