Paalala mga Kapuso, maging maingat sa perang natatanggap para hindi malinlang ng ilang magsamantala na gumagamit ng niretokeng pera para magmukhang mas mataas ang halaga.

Ang YouScooper na si Ageygey Hadjiphanis, sinabing hindi niya napansin na niretokeng P20 pala na ginawang mukhang P50 ang isinukli sa kaniya nang minsang mamili sa Divisoria sa Maynila.

Sa mga larawan, makikita na binura ang numerong "2" sa P20 at pinatungan ng "5" at kinulayan ng pula upang magmukhang singkuwenta pesos.

Hindi rin kaagad mapapansin ang kaibahan ng kulay ng dalawang pera, maging ang disenyo sa likod nito parehong bundok; Taal lake sa P50 at Banaue Rice Terraces sa P20.

Kaya mensahe ni Ageygey, mag-ingat at maging mapanuri sa pamimili lalo na ngayong kapaskuhan. -- FRJ, GMA News