Bukod sa pananakit sa asawa, mahaharap din ngayon sa kasong Direct Assault ang isang dating sundalo matapos niyang manuntok ng dalawang pulis na umaaresto sa kaniya sa Bacarra, Ilocos Norte.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing dumepensa raw ang suspek na hindi niya sinadyang suntukin ang mga pulis, pero umamin siya sa pananakit sa kaniyang asawa.

Dagdag pa ng suspek, nakainom siya nang mangyari ang insidente.

Nahaharap din ang lalaki sa pag-labag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act.

Sa Carmona, Cavite naman, arestado ang number one sa most wanted list ng Pangil, Laguna, na may kasong rape.

Ayon sa ulat, kinilala ang suspek na si Benjie Malto, na nagtago ng anim na taon.

Ngunit todo-tanggi siya sa alegasyon at kaniyang depensa, pinulitika lang siya dahil lumabas daw ang warrant laban sa kaniya matapos niyang magsumite ng certificate of candidacy bilang barangay kagawad.

Sa Zamboanga City naman, isang estudyante ang nahulihan ng baril sa loob ng kaniyang bag, na kargado pa ng bala.

Dalawang kaklase raw ng bata ang nagreklamo na tinutukan sila ng baril ng bata, ayon sa mga awtoridad.

Dito na sila nag-inspeksyon at nakita sa bag ng bata ang baril na mayroon pang apat na bala.

Isinailalim na sa psycho-social intervention ang bata.

Maaring namang managot sa insidente ang mga magulang ng bata. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News