Isang lalaki na mula sa New Zealand ang nagtungo sa Pilipinas dahil sa inakalang babae na bumihag sa kaniyang puso pero kinalaunan ay natuklasan pala niyang lalaki rin. Pero hindi lang sa pag-ibig nabigo ang dayuhan kung hindi maging sa kaniyang kabuhayan.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Linggo, sinabing walong taon na ngayong naninirahan sa Kidapawan City, Cotabato si Bryan Lawrence, 61-anyos.

Mahigit walong taon na ang nakararaan nang magtungo sa Pilipinas si Lawrence dahil sa dahil sa pag-ibig na natagpuan sa social media pero nauwi sa kasawian.

Pero ang inakala niya noon na girlfriend, lalaki pala.

At sa kabila raw ng lahat, tinanggap pa rin ng dayuhan ang tunay na pagkatao ng kasintahan pero nagpatuloy pa rin daw ang mga panlilinlang sa kaniya.

Ang tirahan nila na akala niyang ipinundar ng kasintahan mula sa kaniyang pera, inuupahan lang pala. Kaya nang wala na silang maipambayad sa renta,  pinalayas na sila.

Peke rin umano ang sinasabing ng kasintahan na mayroon silang negosyo.

Sa ngayon, nakatira si Lawrence sa isang maliit na bahay na bigay ng kaibigan, at nakikipaglaban pa siya sa sakit na diabetes.

Umaasa siya ngayon sa tulong ng mga kapitbahay na may magandang-loob at sa maliit na taniman ng gulay sa loob ng parke na kaniyang ibinebenta.

Ilang beses na umanong kinasuhan ni Lawrence ang kasintahan ng estafa pero nababasura dahil sa kawalan ng ebidensiya.

Hindi naman siya makauwi sa kaniyang bansa dahil may isa pa siyang kasong estafa na nakabinbin laban sa kasintahan. Bukod dito, paso na ang kaniyang pasaporte at wala pang pera.

Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang panig ng New Zealand Embassy tungkol sa sinapit ng kanilang kababayan. -- FRJ, GMA News