Mula sa P2.4 bilyon noong 2014, pumalo na ngayong 2017 sa P4.1 bilyon ang nawawala sa ekonomiya ng bansa bawat araw dahil sa problema sa trapiko sa Metro Manila, ayon sa isang opisyal ng Department of Transportation (DOTr).

Ito ang inihayag ni Transportation Assistant Secretary Mark de Leon nitong Lunes sa pagdinig ng isang komite sa Senado batay umano sa isinagawang pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) para sa 2017.

Noong 2014, inihayag sa pag-aaral ng JICA na nasa P2.4 bilyon bawat araw ang nawawala sa ekonomiya ng bansa bunga ng matinding bigat sa daloy ng trapiko sa Metro Manila.

Kabilang si De Leon sa mga dumalo sa isinagawang pagdinig ng Senate public services committee tungkol sa modernization program ng DOTr sa public utility vehicle (PUV).

Ayon sa opisyal, patuloy na lumalala ang problema sa daloy ng trapiko sa Metro Manila at isa na umano sa mga dahilan nito ay ang hindi magandang public transportation sa bansa.

"Kaya lumalaki ang congestion levels kasi iyong mga tao will not opt to use public transportation. Kaya dumadami iyong traffic natin... kasi nga napaka-inconvenient ng ating public transportation," paliwanag ni De Leon.

Tiniyak ni De Leon sa komite na pagkakaloob ng pamahalaan ng maayos at ligtas na paraan ng pampiblikong transportasyon ang mga mamamayan sa ipatutupad na PUV modernization program.

Aniya, umaabot sa kabuuang 179,663 ang registered passenger jeepneys sa buong bansa, at 90 porsiyento ng mga sasakyan nito ay mahigit 15 taon nang umaarangkada.

Sa ilalim ng programa, ang mga modernong PUVs ay kailangan umaayon sa DOTr's emission standards na Euro 4 at pataas, kahit pa e-jeepneys o hindi.

Mayroon ding "route rationalization program" kung saan  bibiyahe ang mga PUVs, at kung ilang units ang bibiyahe sa bawat ruta batay sa resulta ng  Local Public Transport Route Plan.

Nitong nakaraang linggo, nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na magiging "dead city" na ang Metro Manila sa susunod na 25 taon kaya iminungkahi niya na dapat paunlarin ang iba pang lungsod sa kalapit na lalawigan (Basahin: Duterte warns Metro Manila dead in 25 years, calls for dispersed dev’t). — FRJ, GMA News