"Hindi ako naniniwalang nagpakamatay ka ...dahil wala akong makita at maisip na dahilan para gawin mo yun!! Hindi ako titigil hanggang sa mabigyan ng hustisya ang pagkamatay mo ... [Diyan] sa Kuwait.

"Sayang hindi man lang kita nasabihan na mahal na mahal ka ni kuya ang sakit sa dibdib ang kalunos-lunos na sinapit mo jan!! PAALAM Bhiee bunso 'di ka na namin makakasama!!! #Justiceformariefelibrada" caption ni Tekla sa kaniyang Facebook nitong Martes.

Kasabay nito, nag-post din ng isang live video si Tekla, kung saan nanawagan siya sa embassy at sa gobyerno para imbestigahan ang pagkamatay ng kaniyang kapatid na si Marife Librada.

"Paki-share po itong live na ito. Nais ko lang pong magpasalamat sa mga nakisimpatiya sa sinapit ng kapatid ko sa Kuwait. Ako at sampu ng pamilya ko ay nagdadalamhati sa sinapit ng kapatid namin diyan sa Kuwait. Sana po matulungan tayo ng embassy na masilip po ang kaso ng kapatid ko para malaman po namin kung siya po ay pinatay o nagpakamatay."

Ayon kay Tekla, biktima rin daw ang kaniyang kapatid ng pang-aabuso habang nagtatrabaho sa ibang bansa.

"Matatanggap po namin kung talagang nagpakamatay siya. Wala naman po kami magawa, pero kung sakali hong bigyan po kami ng pagkakataon na masilip po ang sitwasyon ng kapatid ko diyan sa Kuwait, para po ma-prevent pa po natin kung saka-sakali po na may mga insidente pang mangyari uli sa mga kababayan natin na nangingibang-bansa na inaabuso tapos pinapalabas nila na nagpakamatay," saad pa ni Tekla.

Kasalukuyang nasa Canada si Tekla para sa ilang shows ngunit inihayag na uuwi rin siya agad sa Pilipinas.

"Mga Kapuso salamat po sa mga nakiramay at nakisimpatiya. Paki-share na lang po itong live na ito para po maproteksyunan pa 'yung ibang mga kababayan natin na nakakadanas ng ganiyan."

Nanawagan si Tekla na mabigyang linaw ang insidente.

Alam ko hindi lang ako ang nakakaranas ng ganito. Marami pong mga pangyayaring ganyan pero wala pong choice kasi wala naman silang magagawa... Buong puso naming tatanggapin 'yon kung siya ay nagpakamatay. Pero sana po kung may pagkakataon bibigyan naman kami ng laban para naman mabigyan ng linaw ang pagkamatay ng kapatid ko. Maraming maraming salamat po sa inyong lahat." —LBG, GMA News