Inaresto ang isang call center agent at kasintahan niyang guro matapos silang ireklamo ng pagkuha umano sa flat screen TV sa tinuluyan nilang motel sa Talisay City sa Cebu.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, kinilala ang mga inaresto na sina Manuel Espinosa, 43-anyos, at nobya niyang si Lady France Orquiza, 33-anyos, isang public school teacher.

Ayon sa Talisay City police, nakatanggap sila ng tawag mula sa pamunuan ng isang motel sa tungkol sa dalawang guest na naaktuhan umanong dala at ilalabas ang flat screen TV mula sa kuwarto kung saan sila nag-check-in.

Sinabi pa ng management ng motel na  ito na sana ang ikaapat na beses na mananakawan sila ng flat screen tv kung hindi nahuli ng kanilang tauhan ang mga suspek.

Gayunman, mariing itinanggi ni Espinosa ang paratang at ikinatwiran na mayroon silang trabaho kaya hindi nila kailangang magnakaw.

Ipinakita rin niya ang kopya ng kanilang gate pass na nagpapatunay na na-clear na umano sila nang mag-check out sa motel.

Pero nanindigan ang mga kawani ng motel na nakita nila ang dalawa na kinuha ang tv.

Bukod sa Talisay branch, sinasabing nabiktima na rin daw ng mga suspek ng iba pang branch ng motel sa Cebu City. -- FRJ, GMA News