Himalang nabuhay at daplis lang sa batok ang tinamo ng isang lalaki na pinagbabaril ng kaniyang nakaalitang kainuman sa Quezon City.

Sa ulat ni Mark Zambrano sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang kuha sa CCTV camera na nangyaring engkwentro ng biktimang si Sonny Operio, at suspek na si Rodrigo Malicdem.

Sa video na kuha noong Lunes dakong 2:00 sa Barangay Tatalon, makikita Operio na hawak ng isang babae habang inilalayo sa nakaalitang si Malicdem.

Pero habang nakatalikod si Operio, bumunot ng baril si Malicdem at ipinutok malapit sa ulo ng biktima. Pero hindi nadaplisan lang ang biktima matapos masalag ng babae ang braso ng suspek.

Kahit duguan, sinubukan pa ni Operio na manlaban kay Malicdem na patuloy umano ang pagpapaputok pero hindi naman tumatama sa biktima.

Sandaling nawala sa camera sina Operio at Malicdem nang pumasok sila sa eskinita, pero ilang saglit lang ay makikitang bumagsak sa kalsada ang biktima at raw nakatakbo sa isang eskenita.

"Nagpasalamat nga siya [Operio] dahil pangalawang buhay na niya ito. Unang putok tinamaan siya sa batok e daplis lang. Suwerte rin niya hindi siya napuruhan. sabi niya nakakarinig din daw siya ng ibang putok siguro baka hindi lang siya tinamaan," ayon kay Police Superintendent Igmedio Bernaldez, Galas-PNP.

Hindi na nagpaunlak ng panayam ang biktimang si Operio, habang patuloy na hinahanap ng pulisya si Malicdem.-- FRJ, GMA News