Kulong ang isang lalaki matapos niyang kikilan ang dating karelasyon at pagbantaan ito na ilalabas daw niya ang kanilang video scandal kung wala siyang matatanggap na pera.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "Balitanghali," kinilala ang suspek na si Lorenzo Renz Ignacio, 57-anyos, na inaresto sa isinagawang entrapment operation sa may Commonwealth Market.

Nagkasundo sina Ignacio at ang 45-anyos niyang babaeng biktima na magkita sa nasabing lugar. Sinabi ng babaeng biktima na nang-black mail pa raw ang suspek, na nagtext na ilalabas daw ang kanilang mga sex video kung hindi siya makakapag-abot ng P5,000.

"May scandal daw ako. Sabi niya 'Nu'ng nagmotel tayo, hindi mo alam na kinunan kita ng video," sabi ng biktima.

"Takot na takot nga siya at problemado dahil itong kaniyang ka-relasyon eh tinatakot siya na dahil meron nga daw silang sex video, at kung hindi siya makikipag-kita at magbibigay ng pera at makikipagtalik sa kaniya, ikakalat niya sa social media, ipo-post niya, ikakalat niya sa mga kaibigan 'yung sex video," sabi ni Chief Inspector Sandie Caparroso, spokesperson, QCPD Station 6.

Nang magkaabutan ng pera ang suspek at biktima, dito na kumilos ang mga operatiba.

Hindi na tumanggi si Ignacio sa mga paratang sa kaniya sa estasyon ng pulis.

Bagama't nagmakaawa, tila walang makukuhang patawad si Ignacio sa kaniyang biktima.

"Ngayon lang dahil du'n sa problema ko," sabi ni Ignacio.

Itinanggi ng babae na mayroon silang video.

"Gusto ko makuha nga 'yung sinasabi niyang video kung totoo man. Wala po," sabi ng biktima. 

"Dahil nga du'n sa ginagawang psychological torture ng lalaki, titignan natin 'yung anggulo na 'yun. Pangalawa, du'n sa extortion sa panghihingi ng pera," sabi pa ni Caparroso. — Jamil Santos/MDM, GMA News