Lalong pinainit ng isang bumbero ang selebrasyon ng Hinugyaw Festival sa Koronadal City nang sorpresa niyang alukin ng kasal ang kasintahang bumbero rin.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing habang nagsasayaw ang mga tao ay inanunsyo ng emcee na magkakaroon ng pagtatanghal ang mga miyembro ng Bureau of Fire and Protection (BFP).

Pero sa halip na umakyat sa entablado, pumunta ang mga ito sa gitna ng dancing fountain habang sumasayaw at doon na ginawa ni Fire Officer Joric Abalos ang sorpresa sa kaniyang nobyang si Fire Officer Farrah Marie Gayaban.

Kumuha ng singsing si Abalos at lumuhod sa harap ni Gayaban para alukin ng kasal at hindi naman siya binigo ng kasintahan.

Itinaon daw ni Abalos ang kaniyang wedding proposal sa nobya sa araw ng kapistahan para maging memorable ito.-- FRJ, GMA News