Patay ang isang negosyante at dalawa niyang kasama nang pagbabarilin ng mga salaring nakasakay sa motorsiklo ang sinasakyan nilang SUV sa Davao del Norte.

Sa ulat ni Sheillah Vergara-Rubio sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang mga biktima na sina Rohel Gozon, 33-anyos na negosyante; pinsan niyang si Arturo Cordita, 27-anyos; at kaibigang si Carlos Abad.

Patungo umano sa Tagum City ang mga biktima sakay ng SUV nang pagbabarilin ng tatlong suspek sa Barangay Poblacion, New Corella, Davao del Norte, dakong 11: 00 pm nitong Miyerkules.

Nakakuha ang mga awtoridad sa crime scene ng mga basyo ng bala na galing sa iba't ibang kalibre ng baril.

Blangko ang mga kaanak ni Gozon sa motibo sa pamamaril pero ang pulisya, tinitingnan kung may kinalaman sa krimen ang umano'y malaking utang ng negosyante.

"Mayroon daw silang utang na almost P2 million, titingnan naming kung totoo ito," ayon kay P03 Harold Mejorda, imbestigador ng New Corella Police.-- FRJ, GMA News