Suspek na ngayon at nahaharap sa reklamong homicide ang ka-live in ng babaeng sakay ng van na isusugod sana sa ospital pero napagkamalan at pinagbabaril ng mga rumespondeng pulis sa loob ng sasakyan sa Mandaluyong. Lumilitaw kasi sa imbestigasyon na ang ka-live in umano ang unang nakabaril sa babae na tinamaan sa ulo.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni Police Senior Superintendent Florendo Quibuyen, Deputy Director for Operation ng Eastern Police District, hindi ang kaaway na grupo kung hindi mismong si Eliseo Aluad ang posibleng aksidenteng nakabaril sa kaniyang pumanaw na ka-live in na si Jonalyn Amba-an.

Matatandaan na isusugod sana nina Aluad at ilang nagmalasakit na construction workers sa ospital si Amba-an sakay ng van nang habulin sila ng mga tanod at nasundan ng mga pulis dahil ito umano ang ginamit na getaway vehicle ng mga suspek.

WATCH: Ang madugong 'maling akala' ng mga pulis sa Mandaluyong

Nauwi ang naturang habulan sa pamamaril ng mga pulis sa van na nagresulta sa pagkamatay ni Amba-an at dalawang construction worker.

Dalawa pa ang nasugatan sa insidente kasama na si Aluad.

Sa imbestigasyon ng EPD, sinabing 14 na bala ang pumasok sa katawan ni Amba-an, at ang itinuturong pinaka-fatal o pinakamatindang tama ay ang tinamo nito sa ulo na sinasabing gawa ng aksidenteng pagkakabaril ni Aluad.

Unang sinabi ng kampo ni Aluad na ang nakalaban nilang grupo ang nakabaril kay Amba-an kaya dadalhin sana nila ito sa ospital.

Sa pagsusuri ng SOCO, sinasabing ang tama sa ulo ni Amba-an ay pumasok sa kaliwang sentido at tumagos sa kanan.

Mayroon umanong saksi ang pulisya at nagbigay na ng sasalaysay para patunayan na si Aluad ang unang nakabaril kay Amba-an.

Kasalukuyang pa ring nasa ospital si Aluad at isasailalim sa operasyon dahil sa tinamong tama ng bala sa nangyaring pamamaril sa kanila ng mga pulis at umano'y mga tanod habang nasa van.

Ayon kay Aris Aluad, masama ang loob ng kaniyang kapatid sa takbo ng imbestigasyon pero ipauubaya na raw nila sa abogado ang lahat.

Itinanggi rin niyang may baril ang kaniyang kapatid.

Samantala, iniimbestigahan pa rin ang mga pulis-Mandaluyong na nasangkot sa naturang insidente. -- FRJ, GMA News