Inihayag ng Feng Shui at face reading expert na may koneksyon ang "aura" ng tao sa kaniyang magiging kapalaran kaya dapat daw na panatilihing positibo sa buhay at matutong kontrolin ang emosyon at iwasang magalit.

Sa programang "Mars", sinabi ni Willie Go Ang, Feng Shui at face reading expert, na importanteng malaman ang personalidad ng isang tao lalo na kapag kaharap ito upang malaman kung paano siya kakausapin at pakikitunguhan.

Bukod pa rito, ang "aura" raw ay ginagamit ng mga Chinese para basahin kung anong klaseng "future" ang kaniyang kahaharapin.

Paliwanag pa ni Ang, ang aura ay nagbabago depende sa kung paano iha-handle ng isang tao ang kaniyang sarili, at hindi raw dapat magpaapekto sa mga nararamdaman sa lahat ng bagay.

Kasama sa pagbasa sa magiging kapalaran ng tao ang dating ng personalidad nito, kulay, hugis, mata, ilong at ibang bahagi ng mukha, at maging ang putol ng buhok.
May koneksyon din daw sa kulay na dapat na isuot depende sa taon tulad ngayong Year of the Dog, na tinawag niyang "double earth".

"Para mawala 'yung negative, una dasal, 'yan ang pinakamalakas na kapangyarihan. Saka think positive, lumayo sa mga negative. Tapos dapat lagi kaya natin i-handle sarili natin, kailangan alam natin kung paano itatago ang sarili natin 'pag galit tayo... kontrolin mo ang sarili para 'yung aura mo laging positive," payo ni Willie.

Panoorin ang buong paliwanag ni Willie tungkol sa aura at face reading at ang ginawa "pagbasa" sa personalidad at posibleng kapalaran ng hosts at guests ng "Mars" na sina Camille Prats, Suzi Abrera, Arnel Ignacio at Regine Tolentino:


-- Jamil Santos/FRJ, GMA News