Kung may naimbentong kotse na tumatakbo kahit walang driver,  ngayon naman ay inaabangan na ang paglabas sa merkado ng maleta na susunod sa may-ari at hindi na niya kailangan pang hatakin.



Sa ulat ng Reuters,  sinabing ipinakita sa nakaraang Consumer Electronics Show sa Las Vegas ang "smart suitcase" na tinawag na "the Puppy 1."

Ang naturang high-tech na maleta ay mayroong dalawang gulong at kayang magbalanse.

Mapapasunod ng may-ari ang maleta sa pamamagitan ng maliit na wireless remote.

Kapag nawala, maaaring hanapin ang maleta sa pamamagitan ng GPS.

Kasama rin bilang security features ng smart suitcase ang fingerprint reader at immobiliser para ma-lock ang gulong sakaling may ibang kumuha.

Ayon sa product manager na si Clark Wu, plano pa nilang bawasan ang bigat nito.

"I think the first thing is we have to lower the price and lower the weight. I think the weight is a problem because we have these two six-inch wheels which take up a lot of weight," ayon kay Wu. -- Reuters/FRJ, GMA News