Filtered By: Topstories
News

Gusali na pagmamay-ari ni Bro. Mike Velarde ng El Shaddai, nasunog


Natupok ang isang commercial building na pagmamay-ari ng El Shaddai leader na si Mike Velarde sa isang sunog na umabot pa sa ikalimang alarma sa Amvel Business Park, Barangay San Dionisio, Parañaque City nitong Sabado.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Parañaque Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog pasado 12 a.m. sa grocery store sa loob ng building at nakontrol 3:54 a.m.

Ayon pa sa mga awtoridad, iba't iba raw ang mga uri ng business sa loob ng gusali tulad ng grocery store, El Shaddai coop food court, bed and breakfast inn at iba pa.

Sinabing highly combustible daw ang mga nasa loob ng gusali kaya nahirapan ang mga bumbero sa pag-apula ng apoy.

Isa sa mga tinitignang anggulo ngayon ang posibilidad ng short circuit.

Ayon pa sa BFP, mayroon lamang wet standpipe system at automatic fire detection and alarm system ang gusali pero wala raw itong automatic sprinkler system.

Maaari raw managot ang may-ari ng gusali dahil hindi raw ito sumunod sa strict implementation ng Fire Code of the Philippines at tinitignan na rin ng BFP ang huling petsa ng compliance ng building sa fire code.

Aminado naman si Velarde na warehouse raw talaga ang gusali na naging commercial building dahil dito raw niya inilalagay ang mga dating nagtitinda sa labas na nakakaabala raw sa mga gawain ng El Shaddai.

P40 milyon daw ang halaga ng pagpapatayo niya ng gusali.

Tinatayang aabot sa P2 milyon ang halaga ng nasirang ari-arian.

Hindi pa nagkokomento si Velarde sa umano'y paglabag ng gusali sa fire code. — Jamil Santos/MDM, GMA News

LOADING CONTENT