Bangkay na nang matagpuan sa Tanay, Rizal ang isang empleyado ng call center na balot pa ng duct tape ang ulo, nakagapos ang mga kamay at paa, at binuhusan pa umano ng muriatic acid.  At ang SUV naman na ginagamit niya sa pagpasok ay nawawala.

Sa GMA News "Unang Balita" ni Mav Gonzales, kinilala ang biktima na si Marvin Jacla, na empleyado ng isang call center sa Makati City at huling pumasok sa trabaho noong Enero 11.

Nang hindi makauwi ng magdamag si Jacla, dito na nagtaka ang nanay niyang si Teresita Tagab kaya tumawag ito sa opisina ng anak.

"Tinanong ko kung bakit 'yung anak ko hindi nakauwi sa amin. Ang sagot sa akin ng Global, nag-half day daw siya kahapon, 'yun ang sinabi sa akin. Kaya nu'ng sinabing nag-half day, kinutuban na ako," sabi ni Tagab.

Nagpakalat ng larawan ni Jacla ang pamilya matapos nilang magpa-blotter sa barangay at pulis.

Noong Lunes ng gabi may nakapag-ulat na concerned citizen na may nakita raw na bangkay sa madilim na bahagi ng Marilaque Road sa Tanay, Rizal noong ika-12 ng Enero ng umaga.

Nang magtungo sa punerarya, dito na nila positibong kinilala na kay Jacla nga ang bangkay, na suot pa ang striped T-shirt na suot niya nang pumasok sa trabaho.

May natagpuan ding saksak sa leeg ang biktima.

"Nang pumunta nga ako ng Tanay, alam mo ang sagot sa akin ng Tanay? 'Ma'am may kaaway ba 'yung anak mo?' Sabi ko 'Bakit ho sir?' 'Kasi pinatay, binugbog muna, binuhusan ng muriatic,' sabi nila sa akin. 'Paanong mangyayari 'yun, ang anak ko mabait 'yan?' sabi kong ganu'n sa kanila. 'Basta na lang [itinapon] sa malapit sa bangin sa napakalayong lugar. Madilim doon, walang signal ng cellphone,'" pahayag pa ng ina.

Wala raw nakakaaway si Marvin kaya suspetsa ng pamilya, pagnanakaw ang motibo sa krimen.

May plakang VIN 219 ang nawawalang silver Montero ng biktima.

Galit at panghihinayang ang nararamdaman ng pamilya ng biktima.

"Nawawala 'yung sasakyan kaya ang nasa ulo ko, ang motibo niya is kunin 'yung sasakyan pero dapat hindi niya naman sana ginaniyan ang anak ko," sabi pa ni Tagab.

Patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng suspek at ang motibo sa pagpaslang. —Jamil Joseph Santos/LBG/ALG, GMA News